Categorized | News Update

Turismo sa Aurora, Patuloy ang Pagsigla

Patuloy ang pagsigla ng turismo sa Lalawigan ng Aurora. Ito ang lumilitaw sa taunan at buwanang pangongolekta ng datos ukol sa tour arrivals ng Tanggapan ng Panlalawigang Turismo sa mga pangunahing hotel, resort, bahay bakasyunan, liwaliwan at mga destinasyon sa lalawigan. Ayon sa datos na naitala mula buwan ng Enero hanggang Hulyo sa taong kasalukuyan, mayroong 185,514 na mga turistang dumating sa Aurora kumpara sa 143,169 noong nakaraang taon sa kaparehong buwan. Ito ay nagsasaad ng 30% pagtaas ng pagbisita ng mga turista para sa taong 2013.

Sa pag-upo ng bagong Punong Lalawigan Kgg. Gerardo A. Noveras, ang Tanggapan ng Panlalawigang Turismo ay naatasang manguna sa pagbibigay ng kaukulang pagsasanay sa mga surf instructors ng Baler Surf. Kabilang sa kanilang mga pinag-aralan ay ang Mabuhay Host, Basic Communication Skills at Basic Tour Guiding. Sila din ay nagsagawa ng mock tour sa History Trail at Eco-strip na kinapapalooban ng Baler Church, Dona Aurora House, Quezon Park, Manuel L. Quezon House, Museo de Baler, Ermita Hill at Diguisit. Binigyan din sila ng pagkakataon na pasyalan ang Balete Tree sa Maria Aurora, Ditumabo Mother Falls sa San Luis at Ampere Beach sa Dipaculao. Ang nasabing pagsasanay ay hiniling ng Baler Surf sa Tanggapan ng Punong Lalawigan upang maitaas ang antas ng kanilang serbisyong panturismo.

Nagsagawa din ang Tanggapan ng Panlalawigang Turismo ng inspection at validation ng mga resort sa Brgy. Dinadiawan, Dipaculao upang matasa ang naging epekto ng bagyong Labuyo sa nasabing lugar sapagkat doon ang pangunahing puntahan ng mga turista mula sa mga lalawigan ng Isabela at Quirino. Sa nasabing inspection at validation ay napag-alaman na handa ang mga may-ari ng resort na muling magsaayos ng kanilang mga nasasakupang pag-aari sa lalong madaling panahon para sa muling pagdagsa ng mga turista. Ito ay maganda at positibong senyales na nagsasabing tayo nga ay isa mga paboritong destinasyon ng mga bakasyunista. Gayundin, isang validation ang isinagawa sa Bayan ng Dingalan upang muling maisaayos ang mga panturismong datos at estadistika sa naturang bayan.

1209255_10200402325569420_1087857876_n

Maduleg Falls, Brgy. Diteki San Luis Aurora

1234741_10200402331129559_944907954_n

Buhaging Falls(Althea), Brgy. Diteki, San Luis Aurora

Samantala noong nakaraang Lunes, ika-2 ng Setyembre, sinadya ng Aurora Tourism Trek and Exploration Team ang Maduleg at Buhaging Falls sa Brgy. Diteki, San Luis upang ito ay mai-dokumento at makapag-bigay ng kaukulang rekomendasyon sa pagsasaayos ng naturang pook pasyalan. Ang dalawang lugar ay may malaking potensyal na maging destinasyon ng turista lalo na sa mga tinaguriang trekkers at nature lovers. Sa mga susunod na buwan, nakatakda ang Trek and Exploration Team na muling balikan ang Bazal-Baubo Waterfalls, Dimasalang Falls at Pacugao Falls sa Bayan ng Maria Aurora, gayundin ang Mabilao-bilao Falls sa Brgy. Dianed, Dipaculao. Sa susunod na taon, nakaplano ang Panlalawigang Turismo na magsagawa ng exploration sa Dinalungan, Casiguran at Dilasag.

Sa patuloy na pagdating ng mga turista sa Aurora, patuloy din ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Turismo, na maitaas ang antas ng serbisyong panturismo sa lalawigan upang mapabilang sa mga pangunahing destinasyon sa bansa. (PTO/MAP/Charlotte Madarang/Rizan Mendoza)

View more photos here

 

Be Sociable, Share!

This post was written by:

- who has written 12 posts on Province of Aurora.


Contact the author